“dahil kahit kailan hindi mo siya mapapakiusapan na ika’y balikan sa lugar kung saan ka niya iniwan…”
Nagsimula akong mahalin siya dahil sa mga pangyayari sa nakaraan. Natutunan ko siyang pahalagahan sa kasalukuyan kung kailan huli na para maibalik namin ang dating samahan. Kahit kailan sa buhay ko hindi siya nawala, pero bakit pilit ko siyang hinahabol sa kadahilanang ako mismo hindi ko maunawaan. Nakakapagtaka na ako ngayo’y nasa lugar kung saan hindi ko siya maramdaman. Kasalukuyan siyang gumagalaw subalit ako’y nananatili dito sa pook kung saan pinipilit ko na ang lahat ay naaayon at masaya. Patuloy siya sa pagkilos ngunit tila ako’y nalubog sa mga gawaing wala namang halaga. Ang layo na niya, labis na ang aming distansya. Mahahabol ko pa kaya siya? Sana.
Gusto kong isisi sa mundo ang naging hiwalayang naganap sa aming dalawa. Pakiramdam ko simula noong namulat ako sa gawaing kinagisnan ng karamihan, doon umusbong ang hindi namin pagkakaintindihan. Ang nais kasi niya ay tamang pag-aalaga at pagpapahalaga. Gusto niya bago ko gawin ang isang bagay isaisip ko muna kung ano ang maidudulot nito sa aming relasyon. Nagseselos siya sa tuwing ako ay gumagawa ng mga bagay-bagay na wala namang pakinabang. Nasasaktan siya sa tuwing magbibigay ako ng labis na pagmamahal sa mga taong magdudulot lang sa akin ng hinanakit at pasakit. At lagi na lamang siyang nagmamakaawa na siya raw ay aking bigyan kahit kaunting importansya dahil kapag siya ay nawala, malabo na ulit na kami ay magkita.
Hindi ako nakinig sa kanyang banta, bagkus patuloy kong pinunan ang aking puso ng mga emosyon at sitwasyon na noo’y tingin ko ay tama. Nagpatuloy akong maglakad kasama sila. Labas pasok kami sa pinto na handog ng mundo. Akyat baba kami sa hagdang gawa ng mapaglinlang na kapaligiran. Hanggang sa aking natagpuan ang aking sarili na tumatakbo upang puntahan ang lahat ng direksyon ng buhay. Hindi ko na alam ang tamang daan at tila lahat ng plano at pangarap ko ay tuluyan ng naantala dahil sa paglalakbay na walang ibang hinangad sa akin kundi ang nakawin ang magandang buhay.
Maaaring naririto ako ngayon sa kasalukuyan subalit ang katauhan ko bilang isang Ako ay nakahimlay pa rin sa kandungan ng nakaraan. Nais ko na muling simulan ang akda ng aking buhay sa paraang kapag tumingin ako sa aking kwento wala akong pagsisisihan. Subalit papaano ko mabibigyan ng kaganapan ang aking hangarin kung ang mismong solusyon ang siyang tumalikod sa akin. Napakalayo na niya at wala na akong magawa dahil sa una pa lang huli na ang lahat. May pagkakataon na kami ay muling magkikita subalit hindi kailanman magtatagpo. At sa pagkikitang iyon ay maaaring naroon ang kapatawaran pero ang ganap na pagbuo sa nasayang na panahon at nasirang relasyon, kahit kailan hindi na maisasakatuparan.
Kahit kailan hindi magiging sapat ang pagsisisi subalit ano pa nga ba ang aking magagawa? Tapos na ang lahat, ang kailangan ko na lamang ay magpatuloy sa buhay at magbago ng tuluyan, Maaaring hindi madali iwanan ang mga bagay-bagay na ibinaon sa akin ng mundo subalit higit ang aking pangarap na ako ay maging isang makabuluhang tao. Tama na ang minsan sa buhay ko nalugmok ako sa pagkakamali, panahon na upang mag-iba ng landas upang makaranas ng totoong kaligayahan. Para sa muli naming pagkikita, katanggap-tanggap na ako para sa kanya.
At sa ngayon, bilang isang manlalakbay sa pagsubok ng buhay, wala na akong pagkakataon upang ituon ang aking atensyon sa isang bagay na nawala na, subalit hindi ibig sabihin nito’y hindi na siya mahalaga, nagkataon lamang na hindi tayo maaaring umasa sa pagdating ng isang bagay na nilikha ng walang kakayanang bumalik sa lugar kung saan siya nagsimula. Kaya naman imbis na ako’y maghintay sa isang imposible at maghinagpis para sa isang bagay na tuluyan ng nilisan ang kanyang lugar sa aking buhay, magpapatuloy na lamang ako sa paglalakad upang makamit ang hindi man madali subalit siguradong masayang pagbabago. Siya nga pala at hindi ko pa nasasambit ang kanyang pagkakakilanlan, siya nga pala ang ORAS at kasalukuyan din siyang naninirahan sa inyong buhay. Pakiusap mahalin ninyo siya ng lubos upang hindi kayo matulad sa nangyari sa aming relasyon. Ingatan ninyo siya at ibigay ang nararapat na pagpapahalaga at pag-aalaga.